Lulan ng mga military choppers, tinahak ng Occidental Mindoro Task Force-ELCAC ang isa sa mga pinakamalalayong tribu ng Mangyan sa Lalawigan ng Occidental Mindoro, na pinangunahan ni Governor Ed Gadiano kasama ang buong pwersa ng kasundaluhan, kapulisan at iba’t-ibang sangay ng Pamahalaan, upang ilapit ang serbisyo at tulong sa mga naninirahan dito.
Ang mga katutubong Mangyan ng Sitio Mantay at Sitio Sangay, Barangay Monteclaro, San Jose ay nabibilang sa Buhid Tribe. Bagamat walang konkretong daan paakyat at aabutin ng mahigit labing-apat na kilometro upang marating ang nasabing Tribu, hindi naging hadlang ang taas at layo upang mailapit ang serbisyo ng pamahalaan at malaman ang mga hinaing ng bawat katutubo.
Naihatid ng Serbisyo Caravan ang libreng pagpaparehistro sa Phil Health at Local Civil Registrar, gayundin ang serbisyong medikal at dental mula sa Department of Health at Municipal Health Offices ng iba’t-ibang bayan. Nagkaroon ng pagtuturok ng bitamina at pagpurga sa kanilang mga alagang hayop sa tulong ng Office of the Provincial Veterinarian.
Basic Farming Training at pagbibigay ng mga kagamitan sa pagsasaka mula sa Department of Agriculture at Office of the Provincial Agriculturist, at pamamahagi ng relief goods mula naman sa Department of Social Welfare and Development at PSWDO. Kasama rin dito ang pamamahagi ng mga binhing pananim mula Provincial Task Force-ELCAC at OPA.
Naisakatuparan ang kahilingan ng Tribu na maitayo ang Bahay Pulungan sa Sitio Mantay at nagsimula na rin ang konstruksyon ng Sitio Hall sa Sitio Sangay. Nagkaroon din ng pagsasanay sa First Aid ang PDRRMO para sa mga katutubo.
Naging matagumpay ang limang araw na immersion na ito sa pagsasama sama at pagtutulungan ng mga sangay ng pamahalaan sa lalawigan kasama ang mga kawani ng Kapitolyo kabilang si PGO-Samarica EA Coco Mendiola, Philippine Army sa pangunguna nina 203rd Brigade Commander Col. Jose Augusto V Villareal at 4IB Commanding Officer Lt. Col Alexander Arbolado, PNP, DSWD, DILG, DA, PSA, NCIP, DOH, Phil Health at LGU San Jose.
Buong-pusong naniniwala ang Pamahalaan ng Occidental Mindoro, lalo na ang Ama ng Lalawigan na si Governor Ed Gadiano, na sa pamamagitan ng personal na pakikipag-ugnayan at paglalapit ng tulong sa mga katutubong Mangyan, gaano man sila kalayo, ay isang epektibong paraan upang makamit ang kapayapaan at pagkakaisa hindi lamang sa Lalawigan kundi sa buong bansa.