Opisyal nang pinasinayaan ang pagbubukas ng COVID-19 Testing Laboratory sa Lalawigan ng Occidental Mindoro sa pangunguna ni Governor Ed Gadiano kasama sina Vice-Governor Peter Alfaro, Sangguniang Panlalawigan Bokal members, Dr. Reynaldo Feratero- OMPH Chief of Hospital, Dr. Ma. Teresa V. Tan- OIC-PHO II at mga kawani ng Occidental Mindoro Provincial Hospital (OMPH).
Ang Occidental Mindoro Provincial Hospital ay napagkalooban ng License To Operate (LTO) bilang COVID-19 Testing Laboratory matapos makumpleto ang mga kinakailangang requirements at training for complete assessment mula sa Joint Inspection Team ng DOH, RITM, CHD at World Health Organization (WHO).
Dahil sa magandang balitang ito, mas mapapabilis na ang pagresponde ng ating mga eksperto kontra COVID-19 sapagkat hindi na kailangan pang i-byahe ang mga sample specimen ng isang pasyente sa mga malalayong lugar gaya ng Batangas o Metro Manila.
Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng COVID-19 testing gamit ang GeneXpert Machine, malalaman na agad ang resulta sa loob lamang ng 24 hours, kung kaya naman itinuturing ito na isa sa mga pinakamalaking bahagi ng istratehiya ng Pamahalaan upang mapagilan ang pagdami ng COVID-19 active cases sa Lalawigan.